SINO GUSTO MAGING BISE PRESIDENTE?
Bago sumapit ang dalwang buwan ng pagpa-file ng Cert. of Candidacy, Si Sen. M. Villar ay papangalanan pa lang sana kung sino ang kanyang maging running mate.
Ngunit medyo desperado na makahanap ng tumpak ng running partner, dinig sa mga sabi-sabi na si Mr. Sipag at Tiyaga ay nag umpisang mag-screen ng mga interesadong aplikante bilang kanyang maging VP.
Sa katunayan, may isang portion ng written test na nagleak galing sa nireject na nag apply na kakandidato. Pero ang kampo ng butihing senador ay agad na nagdeny na wla daw ganung test na ginawa at black propaganda lamang yun. Ganunpaman, isinusulat ko na lang po ang sample ng questionnaire dito...
Partido Nacionalista
Paghahanda Para sa Halalang Pampanguluhan sa Taong 2010
Aplikante sa Pagka-Pangalawang Pangulo:
Buong Pangalan: ________________________
Gamit na Alyas sa Bank Account sa Switzerland: _________________
Kaaarawan at Eksaktong Gulang: ___________________ Are you sure? __________
Kasarian: [ ]Lalaki [ ]Babae [ ]It’s Complicated [ ]Walang kasarian ang paglilingkod!
Estadong Sibil: [ ]Walang Asawa [ ]Kasal [ ]May Kinakasama/Hindi Kasal [ ]Hiwalay
[ ]Kabit [ ]Nagpaplanong Iwan Ang Asawa] [ ]Maraming kinakasama at okay lamang sa kanila ang ganoong set up
Paniniwalang Panrelihiyon: [ ]Romano Katoliko [ ]Iglesia ni Kristo [ ]Born-Again Christian [ ]Protestante [ ]Born-Again pero present lagi sa celebration ng birthday ni Bro. Mike Velarde sa Luneta [ ]Katoliko pero present lagi sa birthday celebration ni Bro. Eddie sa Ultra [ ]Sumasamba sa Pera [ ]Satanista [ ]Walang pinapaniwalaan
Dating Partidong Kinaaaniban: _____________________
Dahilan ng Pagkalas: [ ]Wala silang pera [ ]Wala silang tsansa [ ]Variety is the spice of life
Layunin ng Pagsusulit: Gaano mo kakilala si Senador Manuel Villar Jr? Gaano kalaki ang tiwala mo sa kanya at sa partidong kanyang pinamumunuan? Maaasahan ba namin ang iyong katapatan sa Lapiang Nacionalista?
Panuto: Ikulong sa hugis-bahay na larawan ang titik na kumakatawan sa iyong napiling kasagutan. Kapag hindi hugis-bahay ang ginamit sa pagmamarka ng titik, wala kang makukuhang puntos kahit tama pa ang napiling sagot. Doble ang mababawas sa kabuuang iskor kapag ang titik ay ikinulong sa larawang hugis salamin, hugis puno, hugis padyak, o hugis jeep.
Ikaw ay binibigyan ng labinlimang minuto upang tapusin ang bahaging ito ng pagsusulit. Simulan.
1: Bakit mo nais maging running mate ni Sen. Manuel Villar Jr?
A: Naniniwala ako sa kanyang katapatan at kakayahang maglingkod sa bayan
B: Baka sakaling ma-impeach siya, eh ‘di ako ang magiging presidente!
C: Marami siyang pera. Matalo man ako, may extra-kita pa!
2: Kumpletuhin ang linyang ito mula sa isang patalastas ni Senador Villar: ‘Akala mo petiks, ‘yun pala mali. Akala mo conyo, ‘yun pala laking-Tondo. Akala mo trapo, ‘yun pala ________________.”
A: Trapo talaga!
B: Ka-tropa Mo!
C: Trapong Discreet!
3: Ano ang masasabi mo sa alegasyong dinoble ni Senador Villar ang pondo para sa kontrobersyal na South Luzon Expressway to Sucat leg ng C-5 road extension project?
A: Nang marinig ko ang isyu, lumuwa ang buwa ko
B: Maraming mambabatas ang gumagawa n’yan, hindi lamang siya
C: Malicious! Libelous! Paninirang-puri sa kagalang-galang na senador!
4: Ano ang ibig sabihin ng mga titik na S at T sa S&T advocacy campaign ni Senador Villar?
A: Sipag at Tiyaga
B: Sardinas at Tilapya
C: Subdivision at Tirahan
5: Naniniwala ka ba sa mga lumabas na survey kamakailan kung saan nangunguna si Sen. Noynoy Aquino sa hanay ng mga nais maging pangulo?
A: Kinda.
B: Hindi popularidad ang kailangan sa palasyo. Mas mahalaga ang abilidad!
C: Wish ko lang ma-sustain niya until May.
Bonus Questions
1: Described by Wikipedia as numerically halfway between red and yellow in a gamma-compressed RGB color space, ito ang paboritong kulay ni Senador Villar:
A: Itik brown
B: Orange: Ang kulay ng pagbabago
C: Like I care!
Ang iyong pagsusulit ay nagtatapos dito. Hintayin ang tawag ng partido kung ikaw ay uusad sa ikalawang bahagi ng screening ----> ang Panel Interview. Isa lamang ang pipiliin bilang opisyal na kandidato ng Partido Nacionalista sa pagkapangalawang pangulo para sa susunod na halalan!
Kung hindi ka man mapili, huwag mawalan ng pag-asa. May tsansa ka pang mag apply running mate kay Brother Eddie. Ipagpatuloy mo lang ang iyong sipag at tiyaga.