14 PRESIDENTIABLES SA UNANG BUGSO!
Nasisiraan na nga ng ulo yata ang mga Pilipino!
Nakapagtala kahapon ang Commission on Elections (Comelec) sa unang bugso nang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng 14 presidentiables, tatlo sa pagka-senador habang bokya naman sa pagka-bise presidente.
Isinara ng Project Management Office (PMO) ng Comelec, ang unang araw nang paghaharap ng COC ganap na alas-singko ng hapon.
Buena-mano sa filing ng COC sa pagka-pangulo kahapon ang isang ‘teacher-preacher’ na tubong Jagna, Bohol. Isang nilalang na gustong makilalang “Emperor of the World” at hihingi umano ng basbas kay Pope Benedict XVI upang pamunuan ang Pilipinas.
Si Rigoberto Madera Jr., 61, ay naghain ng kanyang COC ganap na alas-8:40 ng umaga bilang presidente sa ilalim ng partidong Kilusan ng Bagong Lipunan (KBL) na itinatag ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Sinundan ito ng isa pang presidential aspirant na si Gilbert Garcia, 40, isa umanong “quantum physics instructor”, tubong Nueva Ecija, at kilala raw sa bansag na “Atomgiltinity”.
Naunang sumugod sa Palacio del Gobernador si Gregorio ‘Manok’ Samia, tubong San Fernando City, Pampanga, pero hindi ito naghain ng kanyang COC.
Kuwalipikado raw tumakbong pangulo si Manok dahil sa kanyang kakayahan na gayahin ang tunog ng manok. Nagpakitang-gilas ang aspirante sa harap ng media at ipinamalas ang mala-manok na boses.
Bago mag-lunch break ang PMO, siyam na aspirantre sa pagka-pangulo ang naghain ng COC at tatlo sa pagka-senador.
Humabol bago ang break si Atty. Oliver Lozano, 69, tubong Dingras Ilocos Norte at tatakbong Pangulo sa ilalim ng partidong “independent-KBL”.
Kabilang pa sa tinanggap na COC ng PMO ang inihain ni Vicente Fabilla, 46-anyos, ng Oriental, Mindoro; 70-anyos na si David Almorong na nagpakilalang retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines.
Si Josefina Morillo, isang masahista mula sa West Avenue, Quezon City; dating OFW na si Noel Aguirre; Victorino Inte, 55-anyos, ng Loboc, Bohol at Micomi-i La-Lawquero alyas Lotlot na nagpakilalang congresswoman daw ng National Capital Region at House majority leader noong 2007 hanggang 2008.
Tinanggap din ng Come lec ang kandidatura ng 67-anyos na si Eduardo Sion ng Davao City na nagpakilalang nominado daw siya ni Sr. Nazareno.
Huling naghain ng kandidatura si Noel F. Aguirre, isang imbentor, entrepreneur at computer programmer at tatakbong pangulo bilang independent.
Ayon kay Comelec commissioner Gregorio Larrazabal, sasalain nila ang mga inihaing COC pagkatapos ng COC filing sa hatinggabi ng Disyembre 1.
Kaugnay nito, umapela ang Comelec sa mga maghahain ng COC na huwag nang lumikha ng gimik at sari-saring pakulo sa paghahain ng kandidatura.