ANG PRESIDENTIABLES
ANG PRESIDENTIABLES
Kay dami nang nais na kumandidato
Sa pagka-pangulo sa darating na Mayo
Sa list ng Comelec walo sila plus two
Mga kababayan mamili na tayo
Ang sabi ni Shakespeare sa dula niyang
Romeo and Juliet, name ay ‘di mahalaga
Dahil kahit itong rosas ay tawagin man sa iba
Tiyak ‘di magbabago ang halimuyak niya
Kaya naman ngayon aking naisipan
Na gawan ng biro kanilang mga pangalan
Pero ito naman’y walang personalan
Para lamang ito sa ‘ting katuwaan
Si Gibo Teodoro, tunog niya’y inidoro
‘Wag n’ya sanang gawing isang poso-negro
Itong bansa natin ‘pag siya’y nanalo
Dahil tipong Malabanan negosyo’y lolobo
At itong si Noynoy, tunog balinguyngoy
Mas lalong dudugo itong ating ilong
‘Pag siya’y nanalo dito sa eleksyon
At ‘di pinagbuti pag-ugit sa ating nasyon
‘Pag naluklok uli ay itong si Erap
Baka buhay natin lalo pang hihirap
Kung siya’y babawi sa mga nang-harass
Nang siya’y napatalsik ng wala sa oras
At si Manny Villar, ngalan ay tunog money
‘Wag sanang mag-isip ng pagpapadami
Lalo ng kaniyang money at property
Sa halip labanan ay itong poverty
Si Richard Gordon ay tunog panaling kurdon
Baka lalo tayong maghihigpit ng sinturon
‘Pag ekonomiya’y ‘di n’ya naiahon
At ‘di magkalaman mga tiyang gutom
Si Jamby Madrigal ngalan ay Consuelo
Ang dasal ko lamang kung sya’y mananalo
Sana ibigay n’ya serbisyong totoo
At ‘di lamang isang pakonsuwelo-de-bobo
At si Brother Eddie, katunog n’ya ay kendi
Sa una’y masarap at sa dakong huli
Naroon na itong mga pagsisisi
‘Pag mga ngipin mo ay nagka-cavity
Pasensya na sa iba pang kandidato
Na pinayagan ng Comelec na tumakbo
Hindi ko ma-recall mga pangalan ninyo
Kaya wala akong masabi patungkol sa inyo
Mga presidentiables huwag n'yong dibdibin
Di ko gustong saktan ang inyong damdamin
Gusto ko lang namang ngayon ay pasayahin
Mga kapwa ko OFW na malayo sa pamilyang giliw
tula mula sa isang kapwa OFW
source ::: http://www.gmanews.tv/story/184245/ang-presidentiables-mula-sa-isang-mak...