Eleksyon 2010 - The Aftermath
Katatapos lang ng halalan sa Pinas. May Presidente na tayo pero nagpapambuno pa rin ang Bise.
Pero karamihan sa mga tumabok sa pagka-Presidente ngayon ay palagay ko kumakanta ng: "Saan.... Saan ako nagkamali... bakit ako ngayo'y sawi?"
Saan nga ba nagkamali yung ibang kandidato.. ito ang ilan sa mga kurukuro ko: (unahin natin sa kulelat)
DE LOS REYES, John Carlos G.
Unang-unang tanong ay "Sino ba siya?". Kung baga lumabas sa isip ng maraming tao ay masyadong mataas ang pangarap niya - mula konsehal ay Presidente agad. Wala naman masamang mangarap pero hindi sang-ayon diyan ang karamihan ng Pinoy kasi wala pang record at hindi naman siya artista!
MADRIGAL, Jamby A.
Hindi ko alam kung panalo siya o hindi. Sinabi naman niya nung una pa man na ang pagtakbo niya sa Panguluhan ay labanan ang ST - hindi Sipag at Tiyaga kundi ang Singit at Taga. Dahil talo si Manny Villar, palagay ko masaya na si Jamby. Sino merong Jamby bracelet?
PERLAS, Jesus Nicanor P.
Maganda sana ang intensyon niya pero wala siyang makinarya. Sa Pilipinas kailangan mo talaga ang makinarya at pera. Meron tayong 7,107 islands. Eh sa pamasahe pa lang ubos na personal savings mo.
ACOSTA, Vetellano S.
Hindi ko alam kung anong birtud o agimat meron ang taong ito. Nadis-qualify na nga at hindi na nangampanya eh tinalo pa yung tatlong ngangampanya ng husto (Jamby, Nick at JC). Baka talagang tanga lang ang ibang Pinoy.
GORDON, Richard J.
Eto ang manok ko kasi ang tingin ang kailangan ng Pinas para tumino ay kamay na bakal at pusong asero at higit sa lahat may "political will". Pero kasi may takot ang mga tao na baka maging diktador at mukhang trapo. Bihira ka kasi ngumiti Dick. Palagay ko mas maganda kung ngingiti ka ng madalas at hindi yung parang magyayaya ka ng himagsikan tuwing makikita ka ng tao.
VILLANUEVA, Eduardo C.
Bakit kaya ayaw ng tao sa isang alagad ng Diyos? Mabait naman si Ka Eddie ang kaso lang 300 taon mahigit tayo sa ilalim ng mga prayle at puro kwento ng kaapihan lang ang natatandaan natin sa history subjects natin. Kaya siguro may duda pa rin ang tao sa alagad ng Diyos. Kahit nga ang Katoliko na 83% ng populasyon ng Pinas ay hindi sinunod ang simbahan na iboto si JC (hindi Jesus Christ) kundi si JC delos Reyes.
TEODORO, Gilberto Jr. C.
Galing at Talino. O bakit naman pati sa Galing at Talino ay ayaw din ng Pinoy? Ang siste kasi kay Gibo hindi agad kumalas kay Gloria at na-associate sa mga trapo ng Arroyo Administration. Hindi rin niya binatikos si Gloria.Tapos minalas pa ng iwan sa ere ng mga trapong dating kasama niya (ex. Chavit) ay binatikos naman ng trapong kasama niya (ex. Nograles). Ang matindi pa yung walang suporta ng tiyuhin niyang bilyonaryo. Sabi nga ng tiyahin niya: "Anybody but Gibo!"
VILLAR, Manuel Jr B.
Sipag at Tiyaga o Singit at Taga? Yan ang malaking ikinabagsak ni Manny. Hindi niya kasi sinagot ng husto ang tanong sa C5 tapos hindi niya tinantanan ang political ads niya. Dito nga sa Qatar siya lang ang may political ad. Kaya naisip tuloy ng tao na ang itinatapon niyang pera ay hindi galing sa bulsa niya kundi galing sa kurakot niya sa C5 at sa Daang Hari. Ayan tuloy ang nakuha niyang boto eh katapat lang ng lamang ni Noynoy ke Erap. At tsaka Manny, mahirap kaming lumaki pero hindi miserable ang buhay namin. Yun kasi pinalabas mo na ang mahirap ay miserable. Kahit mahirap hindi ibig sabihin na hindi masaya ang buhay, hindi lahat ng bagay ay nabibili ng pera.
ESTRADA EJERCITO, Joseph M.
Eto magaling ang handler nito. Kinuha niya unti-unti ang Class D and E na supporters ni Villar - ang mga taong nakakaalala pa ke Asiong Salonga at sa tunay na Tigre ng Tondo. Pero hindi naman siya lumaki sa Tondo. Kaso wala na ang tiwala ng Upper Class lalo na ang alta sociedad dahil sa pangungurakot niya dati. Pero hindi ako magugulat na kakandidato pa ulit siya sa Senado sa 2013 at mananalo pa ulit.
AQUINO, Benigno Simeon III C.
Iba pa rin talaga ang pamana ni Ninoy at ni Cory. Kung hindi man siya nakagawa ng magandang mga batas bilang Congressman at Senador, siguro palagay ko yung pagpapatupad ng batas ang maiaayos niya. Naku nakakahiya naman sa mga magulang mo kung panay kapalpakan at kahihiyan ang gagawin mo. Tama na ang kahihiyang ginawa ni Kris. Papuntahin mo muna sa Kris sa Boston ng 6 years! Tsaka kailangan may political will ka at hindi political utang na loob sa mga trapong sumuporta sa iyo.
Kayo? Ano sa tingin nyo ang mga mali ng mga kandidato at ano ang dapat nilang gawin in the future?
(PS. naalala ko tuloy si Reuben Canoy - gusto ko kasi yung plataporma niya na gawing isang state ng US ang Pinas.)