Dakila ka aking ina (isang tula para sa mga Filipina sa Qatar)
Bakit ba hanggang ngayo'y wala ka pa?
Sabi mo'y sandali lang, ngunit mag-iisang taon na;
Sa langit, panay nakatingala,
Nag-aabang at nakatunganga.
Hinahanap-hanap ko ang iyong pagkawala,
Lagi na lang tanong, kung saan ka nagpunta;
Hinahanap-hanap ang iyong kalinga,
Palaging nagmamaktol, kasi hindi ikaw kasama.
Sa pagtulog ko, halik na lang ni lola,
Ang nakapagpapatila, ng aking mga luha;
Sa tuwing mamasdan, larawan mo sa tuwina,
Katabi sa pagtulog, nasa ilalim ng punda.
Sa mga kalaro, ikaw ang aking bida,
Kahit na kasama nila, ang kanilang ina;
Maging sa eskwela, ay tinatanong ka,
Kung kailan magbabalik, kanilang amiga.
Dakila ka, Oh aking Ina,
Naiwan ako dito, iba ang iyong alaga;
Anuman sa iyo'y kanilang hinuhusga,
Dahil trabaho mo, sa kanila'y aba,
Medalya ko, pagdating mo, ay ibabandila.
-----------------------------------------
Mabuhay ka! Kabayan kong Filipina,
Sana sa tula kong ito, dagli kang guminhawa;
Nadarama ko, ang iyong pangungulila,
May awa ang Diyos, muli kayo'y magsasama-sama.