2 na Pinoy sabit sa droga, kandidato sa bitay
Nahaharap ngayon sa parusang kamatayan ang dalawang Pinoy nang magtangkang magpuslit ng ilegal na droga papasok sa paliparan ng Iran nang madakip ng Iranian authorities, ito ang kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Base sa ulat ng Embahada ng Pilipinas sa Iran, agad na dinakip ang dalawa at pansamantalang hindi muna ibinigay ang pangalan ng mga ito nang makita ng Customs officers sa kanilang bagahe ang illegal drugs na nakatakda nilang dalhin sa nagmamay-ari nito sa naturang bansa.
Anang report, ito ang pinakahuling kaso na kanilang tinanggap kung saan lumilitaw na ang dalawang Pinoy ay kapwa hindi nakabase sa Iran at posibleng ginamit at inupahan ng ilang indibiduwal mula sa hinihinalang international drug ring matapos na pangakuan na mabibigyan ng trabaho sa dayuhang bansa.
Inutusan ng hinihinalang drug smuggling syndicate ang dalawang Pinoy na isabay na sa kanilang pagbiyahe patungo sa Iran ang padalang package kung saan hindi nila alam na naglalaman ito ng ilegal na droga sa nasabing bansa kapalit ang pangakong trabaho at malaking suweldo.
Subalit pagsapit sa paliparan ay hinarang ang dalawang Pinoy matapos na masuri ng Iranian customs authorities na naglalaman umano ng illegal drugs (shabu o cocaine) ang kanilang bagahe.
Dahil dito, pinag-iingat ng DFA ang mga manggagawang Pinoy na inaalukan ng ganitong pangako ng mga sindikato na huwag tatanggapin at tignang mabuti kung legal ang kanilang magiging trabaho sa ibang bansa.