Ako’y OFW, Ako’y Ina
source: http://www.gmanews.tv/story/195562/akoy-ofw-akoy-ina
wala lang natisod ko lang habang nag-browse ako, share ko lang para sa mga dakilang ilaw ng tahanan :D
.
.
.
Ako’y OFW, Ako’y Ina
Kamusta sa lahat ng aking mga kababayan lalo na ang mga kababayang kong OFW! Mabuhay kayong lahat!
Ilang tulog na lang malapit na rin akong makauwi sa wakas, pagkatapos ng isang taon ay makakapagbakasyon na rin ako. Suwerte dahil sa aking napasukan ay taon-taon naman kaming pinapauwi. Iyon nga lang kailangan makipag-unahan sa schedule sa mga kasama at makiusap kung kinakailangan upang mauwi sa nais mong araw.
Pinili ko ang buwan na kaarawan ng aking nag-iisang anak. Napakahirap yata para sa isang ina ang di makita ang paglaki ng ating mga anak lalo sa mga oras na kailangan ka nila, kung sila ay may sakit kahit ubo o sipon man. Dalawang taon at anim na buwan lamang siya nang iwan ko sila sa aking ina.
Matapos ang anim na buwan, gumawa ako kaagad ng paraan upang makuha ko ang aking asawa para magkatuwang kami sa paghahanap-buhay. Sapagkat sa limang taon niyang pagtatrabaho sa Maynila bilang operator, baka abonado pa kaming mag-ina dahil sa dalas niyang umuwi sa probinsiya.
Mahal ng pamasahe pero maliit lang ang kinikita niya, upa pa sa bahay, bayad sa kuryente, kaya tiis-tiis kami palagi. Lalo na kung marami ring kamag-anak ang umaasa at dapat na tulungan. Ilang taon din akong nagtrabaho bilang guro at namasukan sa isang ahensiya ng gobyerno para tumaas ng kaunti ang kita. Pero bago ko pa makuha ang plantilla, meron na palang naka-line up na kamag-anak ng pulitiko o kaya naman ay pamangkin ng hepe na ang tanging kuwalipikasyon ay ang kanilang apelyido.
Ninais ko tuloy na mag-abroad at pinalad naman agad ako sa tulong ng mga kamag-anak. Pawis at luha ang naging puhunan ko para tumagal, kailangan magtapang-tapangan dahil kung mahina ang loob mo, uuwi kang luhaan. Halos araw-araw akong tumatawag sa Pinas para makamusta lang ang aking anak, marinig ang kanyang pagkanta, pagtula na kung minsan ay nagtatapos sa iyakan.
Sa aking pag-uwi, mag-aapat na taon na siya. At sa aking pag-uwi, ay di pa rin ako nawawalan ng pag-asa sa ating bansa. Sana ang Pangulo ay may plataporma para sa aming mga OFW…mga inang OFW para hindi na namin kailangan iwan ang aming mga anak upang matupad lang ang mga pangarap namin sa kanila. Hindi naman tayo naghahangad ng sobra-sobra sa ating pag-a-abroad, sa halip hangad lang naming ay magkaroon ng sapat na pagkain sa lamesa, magandang edukasyon sa mga bata at simpleng tahanan. Makamit lang namin ito ay sapat na para manatili kami sa Pilipinas.
Iba pa rin ang nandito ka sa sarili mong bayan, iba pa rin na kasama mo ang iyong anak. Hangad naming mga inang-OFW ay pagbabago para sa aming anak. At sana sa kanilang henerasyon ay wala ng ina pa na mapipilitang iwan ang kanilang anak, at wala ng anak na napariwara ang buhay dahil walang magulang na naging gabay sa kanilang paglaki.
-Melanie-