Ang Aral na aking Natutunan sa Araw na ito...
Nawa'y makatulong sa mga anak, lalo na sa mga kapwa ko MAGULANG....
Ayon kay Kuya ROM,
Ayon sa kasaysayan, nagpakasama ang kanyang mga anak at hindi niya pinigilan ang mga ito (1 Samuel 3:13). Hindi niya inisip na may masamang ibubunga ito sa buhay ng kanyang mga anak. Maaaring nagsalita rin si Eli, “Mga anak, ‘di ba ninyo alam na masama ang inyong ginagawa?” Sagot ng kanyang mga anak, “Alam po namin, pero ganito talaga ang buhay ng mga kabataan ngayon.” -- at balik sa dating gawi ang kanyang mga anak. Nilalapastangan nila ang templo ng Diyos at nanloloko ng mga babae. Ang problema ni Eli ay hindi sa pagkukulang niya na sabihan ang kanyang mga anak, kundi sa pagkukulang niya na ipagawa sa kanyang mga anak ang pamumuhay na matuwid.
Hindi lang basta salita, kundi gumawa. Walang sinumang magulang ang magsasabi, “Sige, anak, mangholdap ka ng bangko. Makabubuti sa iyo ang makulong ng sampung taon.” Marami ang mga kabataang nakakulong ngayon ang nakarinig ng mabubuting pangaral ng kanilang mga magulang, ngunit dahil hanggang sa salita lamang at walang hinihinging pagtupad sa pangaral, nagdurusa sa bilangguan ang kanilang mga anak ngayon.
Kung may pinag-usapang disiplina para sa isang kasalanan, pagkukulang o pagkakamali, kailangang ipatupad ito. Halimbawa, kung ang usapan ng magulang at anak ay magkaroon ng curfew sa bahay at kailangang nasa bahay na ang anak bago dumating ng alas-10:00 ng gabi, ito ay dapat ipatupad. At kapag hindi nakasunod ang anak, ang napag-usapang parusa ay ipatupad din. Kung ang parusa ay mawawalan ng baon ng isang araw, dapat na isagawa ito upang malaman at maranasan ng bata ang tunay na kahulugan ng disiplina.
Walang disiplinang ginawa si Eli sa kanyang mga anak. Hinayaan niyang magpatuloy sila sa masamang gawain. Ang resulta: Pinabayaan sila ng Diyos na magdusa, maghirap at hindi nakaranas ng kasaganaan. Sapagkat ang batas ng buhay ay ito: Kung masama ang itinanim, masama rin ang aanihin.
Kaya’t huwag lamang pagsabihan ang mga anak kundi parusahan sila kung kinakailangan. Kung ang inyong mga anak ay naliligaw ng landas at kayong mga magulang ay hindi nagsasalita at walang ginagawa, nagpapakita kayo ng maling pagmamahal sa kanila at ibinubuyo ninyo sila sa kasalanan. Ang pagmamahal sa anak ay nagbibigay ng disiplina ayon sa diwa ng tunay na pag-ibig at ito ay nakatuon sa kabutihan ng anak at hindi sa gusto ng anak.
Mabuting sundin ang halimbawa ng Diyos. Ayon sa Hebreo `12:6, “Dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal Niya, at pinapalo ang itinuturing Niyang anak.”