OFWs sa Saudi inilikas sa lindol
OFWs sa Saudi inilikas sa lindol
(Aries Cano)
Agarang inilikas ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng serye ng lindol sa bayan ng Al Ais sa kanlurang rehiyon ng Saudi Arabia.
Kabilang sa inilikas ang 24 Filipino nurses na pansamantalang dinala sa evacuation center na may 30 kilomterong layo mula sa Al Ais.
Ayon kay Rey Vicencio, coordinator ng Philippine Consulate sa Yanbu, maliban sa mga nurses ay inilikas din ang mga Filipino workers na nagtatrabaho sa Saudi Cooperative Electric Company (SCECO) at dinala sa evacuation centers sa Yanbu at Madinah na may layong 50 kilometro mula rin sa Al Ais.
Kaugnay nito, patuloy na inaalam ng Philippine Consulate sa Jeddah ang kalagayan ng mga Pinoy na naapektuhan ng lindol.
Inatasan na ni Philippine Consul General Ezzedin Tago ang mga tauhan ng Konsulado upang personal na alamin ang kondisyon ng mga Filipino na naninirahan sa earthquake affected areas gaya ng Al Ais, Madinah at Yanbu.
Batay sa US Geological Survey, 46 na tremors ang naramdaman sa rehiyon sa loob lamang ng tatlong araw simula noong alas-dos ng hapon nitong Linggo.