Pagtanggal ng 'DST' sa remittance ikinukonsidera sa Senado
source : http://www.gmanews.tv/story/169573/pagtanggal-ng-dst-sa-remittance-ikinu...
MANILA – Seryosong ikinukonsidera ng isang komite sa Senado na alisin ang sinisingil na documentary stamp tax (DST) sa ipinapadalang remittance ng mga overseas Filipino workers (OFWs) kahit abutin ng P1 bilyon ang magiging lugi ng gobyerno.
Sinabi ni Sen Panfilo Lacson, pinuno ng Senate ways and means committee, na “resonable" ang magiging lugi ng pamahalaan sa pag-alis ng DST kapalit ng maliit na tulong na maibibigay sa kabayaihan ng mga OFW na tumutulong para mapanatiling nakaangat ang ekonomiya ng bansa.
“Yung sa OFW I think it’s reasonable. Maski minimal ang amount involved, but then the committee is inclined to recommend to the floor the abolition of DST on remittances," pahayag ni Lacson pagkatapos ng pagdinig tungkol sa DST sa remittance ng mga OFW, personal loans sa mga pawnshops at sa insurance.
“(The) bottom line is, we recognize them as modern-day heroes, they should be given that recognition in the proper way. 'Di lang puro rhetoric and lip service kundi bigyan sila ng break," idinagdag niya.
Ito rin umano ang tamang panahon para bigyan ng kaunting kaluwagan ang mga OFW na itinuring mga bagong bayani ng bansa.
“Kung wala yung OFW remittances matagal nang bagsak ang Philippine economy, collapse na tayo. So even if only for that, we should recognize them as real modern-day heroes, saviors of the republic," ipinaliwanag ng mambabatas.
Maliit umanong halaga kung tutuusin ang P1 bilyong mawawala sa kita ng gobyerno bawat taon kumpara sa bilyon-bilyong dolyar na ipinapadala ng mga OFW sa remiitances bawat taon.
Noong 2008, umabot sa pinakamataas na $16 bilyon ang ipinadalang remittances ng mga OFW. Inaasahang malalampasan ang naturang halaga ngayong 2009.
“Bigyan natin maski, ano ba naman ang P1 billion a year ang mawawala sa government kung ipakita mo naman ang pagtanaw ng utang na loob sa OFW di ba," ayon kay Lacson..
Kung halos sigurado na ang pag-alis ng DST sa remittances, sinabi ni Lacson na kailangan pa nilang pag-aralan sa komite ang pag-alis ng DST sa mga insurance firm at personal loan sa mga pawnshop.
Sa pagtaya ni Lacson, sinabi nito na posibleng umabot sa P1.5 bilyon ang mawala sa kita ng gobyerno bawat taon kung aalisin ang DST sa pawnshop loans. - GMANews.TV