SALAH (PAGDARASAL) IKALAWANG YUGTO
ANG SALAH AY MAY 3 YUGTO (KUNG NGAYON KA PALANG NAKASUNOD MAIGING BASAHIN MO MUNA ANG UNANG YUGTO)
SALAH - Ang Tatak ng Pananampalataya
Ang Salah ay siyang unang palatandaan ng pagkakaroon ng pananampalataya. Pagkaraan na ang isang tao ay nagpahayag ng Shahada (Laailaaha illallah Muhammadur Rasulullah) ang unang bagay na binibigyan ng pagpapahalaga ay ang pagsasagawa ng Salah. Isang pagpapatunay sa katotohanan na kung ang isang tao ay may pananampalataya, at naniniwala na siya ay isa lamang alipin ng Allah at ang Allah lamang ang tanging Panginoon, ang paniniwalang ito ay nabibigyan ng tunay na kahulugan sa pamamagitan ng Salah. Sa Banal na Quran, ang Salah ay binanggit kasunod ng pananampalataya.
"Tunay na yaong mga nananampalataya ay gumagawa ng kabutihan at nagsasagawa ng Salah." (Quran 2:277)
Ito ay nagpapahiwatig sa katotohanan na kung ang punla ng pananampalataya ay itatanim sa puso, ang unang usbong na lumitaw ay ang Salah. Ang Salah ay hindi lamang unang palatandaan ng pananampalataya, kundi sa katotohanang itong Salah ang siyang makatuwirang nagiging bunga ng pananampalataya. kapag ang puso ay nagkaroon ng pananampalataya, ang kaisipan ng tao ay nakakaramdam ng isang pagnanasang sumuko at sumunod sa Allah. Ang Salah ang siyang malalim na simbuyo ng pagkilala sa Allah na naipapahayag lamang sa pamamagitan nito. Kaya ang Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:
"Ang pagitan ng pananampalataya at kawala ng pananampalataya ay ang Salah" (Muslim)
Sa isang Hadith ni Propeta Muhammad (snk), siya ay nagsabi:
"Ang isang bagay na kinaiiba natin mula sa mga mapagkunwaring muslim ay ang ating Salah." (An-Nasaai)
Dito sa nabanggit na Hadith ni Propeta Muhammad (snk) nangangahulugan na kahit ang isang tao ay ipinanganak na muslim, ang mga magulang ay musim, hindi ito sapat upang siya ay ituring na isang muslim sa tunay na kahulugan nito maliban kung siya ay nakatutupad sa aral ni Propeta Muhammad (snk). Ang Islam ay hindi namamana bagkus ang Islam ay nakukuha sa pamamagitan ng pag-aaral at pagpapaunlad ng pananampalataya. Kahit na ang isang tao ay may pangalang Abdullah o siya ay arabo at kung siya naman ay hindi nagsasalah, ano ang pagkakaiba niya sa isang kafir (walang pananampalataya)?
Kaya ang Salah ay tunay na nagsisilbing tatak ng mananampalataya. Ang Salah ay mahalaga sa pananampalataya katulasd din ng puso na mahalaga sa katawan ng tao. Kung ang puso ay may sigla, init at lakas, ang daloy ng dugo ay patuloy na pumapasok sa ibang bahagi ng katawan kaya napapanatiling buhay ito at masigla. Ngunit kung ang salah ay hindi naisasagawa, ang pagpapatupad at pagsunod sa ibang batas ng Allah, ay hindi rin naisasakatuparan. Kaya ang salah ay isang bagay na nagpapanatili at nangangalaga sa pananampalataya ng tao. Ito ay tumatayo bilang haligi ng kabanalan.
SALAH - Ang Pag-Ala-ala sa Allah.
Bagamat, ang Zakat, Hajj, at pag-aayuno (Sawm) ay isinasaalang-alang bilang haligi ng Islam, ang Salah ay mayroong natatanging kahalagahan bilang Haligi ng Islam. Ito ay nagsasaad ng kabuuan ng pananampalataya. Maaaring maitanong kung bakit ito ang kabuuan ng Pananampalataya. Ang Quran ay nagbigay ng kasagutan nito:
"Magsagawa ng Salah para sa pag-aalaala sa Akin." (Quran 20:14)
"Magpatirapa at humayong lumapit sa Allah" (Quran 96:19)
Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi;
"Ang tao ay napakalapit sa Allah sa oras ng kanyang pagpapatirapa sa lupa." (Muslim)
Upang maalala ang Allah, mapalapit sa Kanya at makausap Siya - ito ay sa pamamagitan ng Salah. Mayroon pa bang hihigit na bagay na maaaring isaalang-alang bilang diwa ng Pananampalataya at pagsuko maliban sa Salah? Bawat galaw na ginagawa para sa pagsamba sa Allah ay bunga ng malalim na pananampalataya. ngunit ang ugat ng pananampalataya ay kumukuha ng lakas at sigla sa pag-ala-ala sa Allah o pag-gunita sa Allah. Kung ang puso ng tao ay walang pag-ala-ala sa Allah, ang pananampalataya ay hindi mananatili sa sarili sapagkat ang kabanalan, pagkatakot at pagmamahal sa Allah ay hindi katatagpuan sa isang walang pananampalataya. Ang kabanalan ay umuusbong lamang sa isang taong may pananampalataya na may lakip na sigla at lakas na kung saan nagmumula sa pamamagitan ng pag-ala-ala sa Allah (dhikr). Ang pag-alaala sa Allah ang siyang daluyan ng lahat ng kabutihan sapagkat ang pinakadakilang gawa ay nasa pag-alaala sa Allah. Kayat ang kabanalan atpagsamba sa Allah ay nakasalalay sa Salah. An Quran ay nagsabi:
"Alalahanin ang Allah habang nakatayo, nakaupo at nakasandig." (Quran 4:103)
"Tunay na sa pagkakalikha ng mga kalangitan at kalupaan at sa pagpapalitan ng gabi at araw ay mga tanda (ng Kanyang Kapamahalaan) para doon sa mga taong may pang-unawa na inaalala ang Allah, nakatayo, nakaupo at nakasandig at pinagbubulay-bulayan ang pagkakalikha ng mga kalangitan at kalupaan, na nagsasabi: O, Panginoon hindi Mo ito nilikha ng walang kadahilanan." (Quran 3:190-191)
Pagpalain po tayo ng Panginoon ng mga Panginoon.